Monday, February 17, 2020

Pitong (7) Katangian ng Matalinong Mamimili



Naranasan mo na bang lokohin? Hindi lahat ng labis ay masusuklian.
May pag-ibig ka na ba ngayong buwan ng Feb-ibig? Anu-ano bang mga katangian ang hinahanap mo?
Ang paraan ng pagpili ng mamahalin ay parang   isang konsyumer  na dapat tinataglay ang isang matalinong mamimili.

Narito ang pitong paraan at dapat taglay ng isang mamimili sa merkado at namimili ng kapareho.

Una – Mapanuri

Kung ikaw ay isang matalinong mamimili  dapat ay tinitingnan ang sangkap, presyo, timbang, pagkakagawa, at iba pa. Inihahambing ang mga produkto sa isa’t isa upang makapagdesisyon nang mas mabuti.

Ang pagsuri ng taong mamahalin ay hindi nasusukat lamang sa ganda ng label ng produkto. Hindi porket kaakit akit ang pabalat ikaw ay jackpot. Halimbawa, tinitingnan natin if may katangian siya ng tulad ng mga magulang natin. Minsan nagiging mapaghanap tayo sa mga katangian pisikal tulad ng itsura, kulay, taas at maging paraan ng pananamit. Pero sa huli natanong mo ba ang iyong sarili? Forever nya kaya akong mamahalin? Isang tanong na ang sagot ay wala sa panlabas kundi nasa puso na mamahalin ka ng wagas.

Pangalawa – May Alternatibo

Matalino kang mamimili kung marunong kang humanap ng pamalit o panghalili na makatutugon din sa pangangailangang tinutugunan ng produktong dating binibili.

Masakit maging second choice, option o panakip butas. Kaya huwag tayo dapat pumasok sa isang relasyon kung hindi mo kayang panindigan at magpapaasa lamang. Ang pagmamahal ay hindi parang isang damit na pag may nakita kang depekto ay pwedeng isauli na basta lamang. Walang 7 days warranty sa tunay na nagmamahal.

Pangatlo - Hindi Nagpapadaya

Ang matalinong mamimili ay laging handa, alerto, at mapagmasid sa mga maling gawain lalo na sa pagsusukli at paggamit ng timbangan.

Maraya, yung tipong ibinigay mo lahat lahat pero para sa kanya ay hindi parin sapat. Tiwala, yung akala mong habang buhay mo na siya makakasama pero sa kanya ikaw pala’y parang isang lata ng sardinas na may expiration. Ang masakit pa, bukod sa sinayang ka, e sa  huli ay itatapon pa.

Pang-apat - Makatwiran

Makatwiran ang konsyumer kapag inuuna ang mga bagay na mahalaga kompara sa mga luho lamang.

Ang pagmamahal ba ay isang kagustuhan o kailangan? Kagustuhan na para lang makasabay sa mga kaibigan, kakilala o nakikiuso lang. Kailangan, dahil alam mong natupad mo na ang mga una mong pangarap sa buhay. Kung kayat alam mong ang pagpili ng mamahalin o makakasama sa buhay na kukumpleto sa isa sa mga kailangan mo.


Panglima – Sumusunod sa Badyet

Tinitimbang niya ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang badyet. Tinitiyak niyang magiging sapat ang kaniyang salapi sa kaniyang mga pangangailangan.

Expection…Expectation…Expectation. Madalas kang masasaktan kung lagi kang mag e expect. Hindi masamang mag set ng standards pero dapat yung standard na kaabot abot naman. Kung may gusto kang bilhin siguraduhin mong abot sa badyet. Kung gusto mong ikaw ay mahalin dapat para kang 7/11 na laging bukas. Bukas pero hindi pagnanakawan, kundi bukas para tumanggap sa mga taong lumalapit at nakapaligid sa’yo.

Pang- Anim – Di nagpapanic-buying

Alam ng matalinong mamimili na ang pagpapanic-buying ay lalo lamang nakapagpapalala sa artipisyal na kakulangan na bunga ng hoarding.

Huwag mataranta, huwag mag-alala. Ang pag-ibig ay hndi parang facemask na nagkakaubusan. Hindi rin ito parang barya na dapat itinatago. Maging balanse sa mga pangyayari, ikaw nga go with the flow pero gamit ang puso at isip. May tamang panahon at pagkakataon ang pagmamahal.


Pangpito - Di Nagpapadala sa Anunsiyo

Ang pag-endorso ng produkto ng mga artista ay hindi nakapagpapabago sa pagkonsumo ng isang matalinong konsyumer. Ang kalidad ng produkto ang tinitingnan at hindi ang paraan ng pag-aanunsiyo na ginamit.
Biruan, asaran at tuksuhan. Minsan yan ang dahilan kung bakit tayo nagiging interesado sa isang tao. Madalas na pe pressure sa sinasabi ng iba. Dapat hindi ka basta basta magpapadala sa sinasabi ng iba. Mas importanteng pakinggang ang sariling puso’t isip at samahan ng kunsensya.
Hindi ko sinasabing perpekto ang mga pananaw ko kung paano maging matalino at mamili pag dating sa pag-ibig. Pero isa lang ang sigurado ako. Ang pitong katangiang nabanggit na dapat taglayin ng isang mamimili ay patunay na isa kang matalino at wais na konsyumer kung ito’y iyong susundin at isasabuhay.